Di na nakapalag ang isang kasapi ng pambansang pulisya habang nakatakas naman ang isang kasama nito matapos na mahuli sa ikinasang buy-bust operations ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG kaninang umaga sa bahagi ng Barangay Rosary Heights 13 nitong lungsod.

Kinilala ni CIDG Regional Chief PLt. Col. Ariel Huesca ang nahuli na si Ishi Mhie na kasapi ng pulisya na nakatalaga sa Sultan Kudarat MPS, Maguindanao del Norte.

Nakuha sa posesyon nito ang ilan sa mga materyales na ebidensya kagaya ng M16 Rifle, limang Steel Magazine at 100 na bala na 5.56.

Nabawi rin dito ang P160,000 na marked money.

Samantala, nakatakas naman ang isa pa nitomg kasama makaraang matunugan nito na pulis ang kanilang katransaksyon.

Nasa pangangalaga na ng CIDG Maguindanao PFU Office ang mga ebidensya para sa tamang pagdodokumento at disposisyon habang nakakulong na ang suspek at nahaharap sa kasong may paglabag sa RA 10591.