Umingay ang panawagan para sa isang makatarungan at hindi gerrymandered na districting law sa isinagawang public consultation ng Bangsamoro Parliament sa Marawi City nitong Linggo, Disyembre 7, habang hinimok ng mga residente mula sa iba’t ibang bayan ng Lanao del Sur na maipasa ang naturang batas bago ang unang regular na parliamentary elections sa Marso 2026.
Mahigit 300 kalahok ang dumalo sa ika-apat na yugto ng region-wide consultation ng Parlamento, kung saan ilan sa kanila ang nagpakita pa ng placards na humihiling ng isang “pro-people” district map na tunay na kumakatawan sa pangangailangan ng buong komunidad.
Pinamunuan ni Deputy Speaker Amenodin Sumagayan ang konsultasyon at iginiit na ang mga isinagawang pagdinig ay bahagi ng pagsisikap ng Bangsamoro Parliament na dalhin nang direkta sa publiko ang proseso ng paggawa ng batas. Aniya, mahalagang gabayan ng malawak na partisipasyon ang pagbabalangkas ng mga distrito upang matiyak ang transparency at patas na representasyon.
Saklaw ng BTA Bill Nos. 403, 411, 407, 408, at 415 ang pagbuo ng siyam na parliamentary districts sa Lanao del Sur, na nagkakaiba lamang sa magiging paraan ng paghahati ng mga nasasakupan.
Ipinunto naman ng mga stakeholders na ang bagong distrito ang magtatakda kung paano pangkatin at kumatawan ang mga komunidad sa unang regular na Bangsamoro parliamentary polls. Iginiit din nila na ang maingat na pagbalangkas ng districting law ay makatutulong upang tugunan ang matagal nang usapin ng internally displaced families at mapangalagaan ang kasaysayan at kultura ng mga bayan na may iisang pinagmulan at ugnayang pangkomunidad.

















