Nagbigay ng babala ang Securities and Exchange Commission (SEC) sa publiko na huwag makipag-transaction sa Bagong Bansang Maharlika (BBM) International Inc., isang grupo na tinanggalan ng registration dahil sa iligal na pangangalap ng investments.
Muling binigyang-diin ng Commission ang babalang ito matapos matuklasan na patuloy pa rin ang operasyon ng BBM International sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao, sa kabila ng paglabas ng utos ng SEC Enforcement and Investor Protection Department na mag-revoke ng kanilang rehistrasyon noong Nobyembre 2023.
Tinanggalan ng rehistrasyon ang BBM International dahil sa pangangalap nila ng membership fees mula sa mga residente ng iba’t ibang lugar, na nangangakong magbibigay ng food security, libreng edukasyon, libreng ospitalisasyon, cash assistance, at kabuhayan sa lahat ng Pilipino na edad isang taon pataas sa buong mundo.
Ginamit din nila ang pangalan ni Pangulong Marcos Jr. sa kanilang mga marketing materials, na nagbigay ng maling impresyon na ang kanilang mga programa ay lehitimo at aprubado ng kasalukuyang administrasyon.
Ang mga aksyon ng BBM International ay lumalabag sa Seksyon 44 ng Republic Act No. 11232, o Revised Corporation Code (RCC), na nagsasaad na walang korporasyon ang maaaring magkaroon o gumamit ng mga kapangyarihan maliban sa mga ipinagkaloob ng RCC o ng kanilang articles of incorporation.
Naglabas din ng advisory ang SEC laban sa BBM International noong Agosto 28, 2023, na nagbabala sa publiko na maging maingat sa pakikisalamuha sa grupo.
Ang sinumang gumagawa bilang salesmen, brokers, dealers o agents, representatives at promoters ng mga hindi awtorisadong investment activities ay maaaring panagutin sa ilalim ng Seksyon 11 ng Republic Act No. 11765, o Financial Products and Services Consumer Protection Act, gayundin sa ilalim ng Seksyon 28 ng Republic Act No. 8799, o Securities Regulation Code, na maaaring magresulta sa parusang mula P5 milyon, o pagkakakulong ng hanggang 21 taon, o pareho.