Iniulat ng Bureau of Quarantine (BOQ) ng Department of Health na wala pang naitatalang bagong kaso ng Nipah virus sa Pilipinas sa kasalukuyan.
Ayon sa BOQ, ang huling naitalang kaso ng Nipah virus sa bansa ay noong 2014 sa Sultan Kudarat, at mula noon ay wala nang na-monitor na panibagong kaso.
Sinabi ni BOQ Officer-in-Charge Dr. Roberto Salvado na wala silang na-detect o naharang na pasaherong infected ng Nipah virus mula sa mga direct flight na nagmumula sa India, kung saan may naitalang seasonal outbreak ng naturang sakit.
Gayunman, tiniyak ng BOQ sa publiko na mahigpit at tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng mga health at safety measures upang maiwasan ang pagpasok at pagkalat ng virus sa bansa. Kabilang dito ang 24/7 monitoring sa mga paliparan at pantalan para sa lahat ng dumarating na manlalakbay.
Ginagamit din ng bureau ang e-Travel system bilang bahagi ng border control, health surveillance, at economic analysis, na tumutulong sa mas maayos na pagbabantay sa mga pasaherong nagmumula sa mga bansang may naitalang outbreak, gaya ng India.
Bukod dito, may mga infrared thermal scanners na naka-install sa mga paliparan at pantalan, na binabantayan ng mga BOQ nurse upang i-monitor ang temperatura ng mga pasahero. Mayroon ding mga spotter na nagsasagawa ng pisikal na obserbasyon para sa mga posibleng sintomas ng sakit na hindi naideklara sa e-Travel application.
Pinayuhan naman ng BOQ ang publiko na mag-ingat lalo na sa pagbibiyahe sa mga bansang may kasaysayan ng virus outbreak at agad na magpatingin sa doktor kung makaranas ng sintomas matapos bumiyahe.

















