Umabot na sa 7,956 indibidwal ang napa-evacuate dahil sa sunud-sunod na lindol sa ilang barangay sa Kalamansig, Sultan Kudarat, ayon kay Mayor Ronan Eugene C. Garcia sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Aniya, nagdeklara ng preemptive evacuation ang lokal na pamahalaan sa mga apektadong lugar, habang patuloy ang pamamahagi ng food packs sa mga pamilyang nasa evacuation centers.
Dagdag pa ni Mayor Garcia, agad ding nagbigay ng pinansyal na tulong ang pamahalaang panlalawigan ng Sultan Kudarat sa mga naapektuhan ng lindol.
Ayon sa alkalde, maaaring may kaugnayan ang mga pagyanig sa Cotabato Trench, isang aktibong fault line na posibleng magdulot ng tsunami sa nasabing bayan.
Nagpasalamat si Mayor Garcia dahil walang naiulat na malubhang pinsala o nasaktan sa kanyang nasasakupan.
Hinikayat din niya ang publiko na manatiling alerto at agad na sundin ang mga abiso at anunsiyo ng lokal na pamahalaan upang maiwasan ang aksidente sa panahon ng kalamidad.

















