Nagpahayag ng pakikiramay ang Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) sa pagkamatay ng limang taong gulang na estudyante na tinamaan umano ng ligaw na bala habang nasa loob ng silid-aralan sa Damabalas Elementary School sa Datu Piang, Maguindanao del Sur, umaga ng Pebrero 11, 2026.
Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang insidente kasabay ng palitan ng putok sa kalapit na lugar ng Olandang SGA. Agad rumesponde ang mga tauhan ng Datu Piang Municipal Police Station at nagbigay ng kinakailangang tulong sa pamilya ng biktim
Mariing kinondena ng PRO BAR ang karahasang naglalagay sa panganib ng mga inosenteng sibilyan, lalo na ang mga bata. Sinimulan na rin ang masusing at patas na imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable at masampahan ng kaukulang kaso ang mga sangkot.
Sa direktiba ni PBGEN Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO BAR, inatasan ang Provincial Director ng Maguindanao del Sur at ang hepe ng Datu Piang Municipal Police Station na palakasin ang operasyon at makipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines upang mapabilis ang pagkilala at pag-aresto sa mga suspek.
Muling tiniyak ng PRO BAR ang kanilang pangako na panatilihin ang kapayapaan at seguridad sa komunidad at tiyaking maibibigay ang hustisya sa nasawing bata.

















