Namagitan ang pinagsanib na pwersa ng militar at pulisya sa girian ng dalawang armadong grupo sa Brgy. Sapakan, Mamasapano, Maguindanao del Sur nitong Marso 6, at ilang kagamitang pandigma ang nasamsam.
Ayon sa ulat, naglatag ng Joint Law Enforcement Support Operation ang 34th Infantry Battalion kasama ang mga himpilan ng pulisya sa Mamasapano, Rajah Buayan, at Shariff Aguak. Kasabay nito, nagsagawa rin ng monitoring ang Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) upang masubaybayan ang sitwasyon.
Matapos mapahupa ang tensyon, narekober ng mga tropa ang apat (4) M16 rifles, mga magasin, bandolyer, at bala na iniwan umano matapos ang armadong sagupaan ng dalawang grupong may kaugnayan sa Bangsamoro Islamic Armed Forces ng Moro Islamic Liberation Front. Walang naitalang sibilyang nasaktan sa clearing operations.
Binigyang-diin ni Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry Brigade, na mahalaga ang agarang koordinasyon ng militar, pulisya, at mga kinauukulang stakeholders upang mapahupa ang sitwasyon at maprotektahan ang mga sibilyan.
Dagdag pa ni Major General Jose Vladimir R. Gagara, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, na patuloy ang pakikipagtulungan ng militar sa law enforcement agencies, peace partners, at lokal na lider upang mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa Bangsamoro Region.

















