Natipok ang Limang kabahayan sa sunog na sumiklab sa Purok Iglesia, Barangay Rosary Heights 5, Cotabato City, nitong Linggo, Nobyembre 29.
‎
‎Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong alas-11:55 ng umaga at naitala ang unang tawag sa insidente bandang alas-12:00 ng tanghali.
‎
‎Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Cotabato City Fire Station at iba pang fire stations, kasama ang limang fire truck, isang ambulansya at isang auxiliary volunteer.
‎
‎Dakong alas-12:01 ng tanghali nang dumating ang mga bumbero sa lugar, habang alas-12:05 naman nagsimula ang operasyon ng pag-apula sa sunog.
‎
‎Umabot sa unang alarma ang operational status ng insidente bago tuluyang idineklarang fire out dakong alas-12:45 ng tanghali.
‎
‎Ayon sa BFP, tinatayang nasa 500 metro kuwadrado ang lawak ng lugar na naapektuhan ng sunog, kung saan limang pamilya ang kabilang sa mga residenteng naapektuhan.
‎
‎Sa kabila nito, walang naiulat na nasawi o nasugatan sa insidente.
‎
‎Patuloy namang inaalam ang sanhi ng sunog at ang kabuuang halaga ng pinsala.