Nasawi ang isang sub-lider ng lokal na teroristang grupo matapos ang isinagawang military operation sa Brgy. Tinimbacan, Banisilan, Cotabato, madaling-araw ng March 8, 2026.

Kinilala ang nasawi na si Emarudin Kulaw, alyas “Alpha King,” dating Amir at kalauna’y sub-leader ng Dawlah Islamiyah–Hassan Group. Narekober ng mga tropa ang isang M653 rifle sa isinagawang clearing operations sa lugar.

Itinuturing si Kulaw na high-value individual ng mga awtoridad dahil sa umano’y pagkakasangkot sa ilang marahas na aktibidad sa rehiyon. Nahaharap siya sa iba’t ibang kaso kabilang ang multiple attempted murder, destructive arson, paglabag sa Anti-Terrorism Act, at double murder.

Ayon kay Major General Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, patunay ang operasyon sa patuloy na determinasyon ng pamahalaan na wakasan ang banta ng terorismo.

Samantala, nagpapatuloy ang clearing operations ng mga kasundaluhan upang matiyak ang seguridad ng komunidad kasunod ng naturang operasyon.