Naaresto ng kapulisan ang suspek sa pamamaril sa Sitio Irrigation, Barangay Poblacion Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, sa pangunguna ni Deputy Chief of Police PCPT. Sammy A. Paning mula sa Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, sa isinagawang pursuit operation kagabi.

Kinilala ang suspek bilang si Polo, habang ang biktima naman ay si Benzar, na idineklarang dead on arrival sa ospital matapos siyang barilin. Napag-alaman na ang biktima at ang suspek ay magkamag-anak.

Ayon kay PCPT. Sammy A. Paning, nag-ugat ang pamamaril sa pangungutya ng biktima sa suspek tuwing nagsasagawa ito ng Salah o panalangin.

Nalambat ang suspek sa Barangay Bongued, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte na malapit lamang sa lugar kung saan nangyari ang krimen.

Idinagdag ng opisyal na ang ginamit na baril sa pamamaslang ay isang M-16 Armalite rifle.

Patuloy ang imbestigasyon ng kapulisan sa insidente at kasalukuyang nakukulong ang suspek habang hinihintay ang kaukulang kaso.