Isinagawa ang isang send-off ceremony para sa mga kasundaluhan ng 90th Infantry Battalion na kalahok sa Mobile Community Support Sustainment Program (MCSSP) sa bayan ng Datu Hoffer, Maguindanao del Sur nitong ika-24 ng Marso 2026.
Pinangunahan ang seremonya ni Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Brigade, kasama si Lt. Col. Loqui O. Marco, Commanding Officer ng 90IB, kung saan nagbigay sila ng direktiba at suporta sa mga tropang itatalaga sa Brgy. Tuayan I at Brgy. Labu-Labu II.
Dumalo rin sa aktibidad ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Datu Hoffer, kabilang ang mga konsehal at barangay chairperson, na nagpahayag ng buong suporta sa implementasyon ng programa.
Layunin ng MCSSP na mapalakas ang ugnayan ng kasundaluhan at mamamayan, habang inilalapit ang mga serbisyong pangkaunlaran tulad ng medical assistance, edukasyon, at kabuhayan, kasabay ng pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad.
Bago ang send-off ceremony, nagsagawa rin ng coordination meeting ang Municipal Peace and Order and Security (MPOS)-BARMM at mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng seguridad kabilang ang AFP, PNP, PDEA, at BFP. Tinalakay sa pulong ang kasalukuyang peace and security situation, mga ugat ng alitan, at mga hakbang upang maiwasan ang paglala ng tensyon sa lugar.
Sa mensahe ni Datu Hoffer Vice Mayor Bai Bongbong M. Ampatuan, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng programa sa mga barangay na sakop nito at tiniyak ang suporta ng lokal na pamahalaan sa layunin ng MCSSP.
Samantala, sinabi ni Brig. Gen. Catu na ang tagumpay ng programa ay nakasalalay sa matibay na ugnayan ng militar at komunidad, habang binigyang-diin naman ni Major General Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry Division, na ang MCSSP ay hindi lamang operasyong militar kundi isang bayanihang hakbang upang maihatid ang serbisyo ng pamahalaan sa mga komunidad.
Inaasahan ng mga awtoridad na sa pamamagitan ng pagtutulungan ng militar, lokal na pamahalaan, at mamamayan, makakamit ang pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa nasabing lugar.

















