Nasawi ang dalawang katao ang matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Purok 1, Barangay Damawato, Datu Paglas, Maguindanao del Sur, nitong umaga ng April 14, 2026.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Datu Paglas Municipal Police Station, nangyari ang insidente bandang 9:45 ng umaga, at agad itong naipagbigay-alam sa pulisya makalipas ang ilang minuto. Dumating ang mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen bandang 9:57 ng umaga.
Kinilala ang isa sa mga biktima na si Ibrahim Matukan Pigkaulan, alyas Weng, nasa hustong gulang, may asawa, at residente ng Sitio Olongapo, Barangay Poblacion, Datu Paglas. Ang isa pang biktima ay nananatiling hindi pa nakikilala.
Ayon sa pulisya, habang sakay ang mga biktima ng motorsiklong Honda Airblade na kulay pula at itim patungo sana sa Purok 4 ng parehong barangay, sila ay pinagbabaril umano ng mga suspek mula sa likuran gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng armas.
Agad na nasawi ang dalawang biktima dahil sa tinamong tama ng bala.
Matapos ang insidente, tumakas ang mga suspek patungong silangang bahagi ng lugar.
Agad namang rumesponde ang Datu Paglas MPS, nakipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay, at isinailalim sa hot pursuit operation ang mga tumakas na suspek katuwang ang militar at iba pang law enforcement units.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin.

















