Nagpaalala si Atty. Lanang Ali Jr., Member of Parliament at Chairman ng Committee on Legal and Voters Protection ng United Bangsamoro Justice Party o UBJP, sa publiko partikular sa mga Bangsamoro na maging mapanuri sa mga impormasyong kanilang natatanggap.

Ayon kay Ali, hindi dapat agad maniwala sa mga usap-usapan lalo na kung hindi beripikado ang pinanggalingan ng impormasyon.

Iginiit nito na dapat direktang magtanong sa mga lehitimong source o sa mga taong may sapat na kaalaman at awtoridad sa isyu.

Binigyang-diin din ng opisyal na laganap ang fake news at mga pekeng account sa social media na nagdudulot ng kalituhan at nagpapalaganap ng maling impormasyon.

Kaugnay nito, ipinaalala ni Ali na may mga itinalagang spokesperson ang Moro Islamic Liberation Front at UBJP na siyang awtorisadong magsalita para sa kanilang hanay.

Dagdag pa nito, maging ang mga abogado ng MILF at UBJP ay may otoridad ring magbigay ng pahayag lalo na sa mga usaping legal.

Giit ni Ali, tanging ang mga awtorisadong indibidwal lamang ang dapat paniwalaan at hindi ang kung sinu-sino lamang sa social media na nagpapakilalang nagsasalita para sa MILF at UBJP.