Tutulungan sa iba’t ibang socioeconomic programs ang 400 miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa tatlong bayan sa Basilan bilang bahagi ng pagpapatupad ng normalization process sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.
Pinangunahan ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), katuwang ang lokal na pamahalaan ng Akbar at iba pang ahensya ng gobyerno, ang orientation para sa mga benepisyaryo noong November 5, 2026, hinggil sa livelihood assistance, skills training, emergency employment at Small Arms and Light Weapons o SALW Management Program.
Saklaw ng programa sa ilalim ng Localizing Normalization Implementation o LNI Program ng OPAPRU para sa 2026 ang mga MILF members mula sa mga bayan ng Akbar, Mohammad Ajul at Al-Barka.
Sa isinagawang orientation, sumailalim sa individual assessment ang mga benepisyaryo upang matukoy ang angkop na livelihood assistance na maaari nilang matanggap, kabilang ang pag-aalaga ng baka at kambing, gayundin ang pagtatayo ng sari-sari store.
Nagkaroon din ng registration desk ang Philippine Statistics Authority para sa National ID application upang matulungan ang mga benepisyaryo na makakuha ng opisyal na pagkakakilanlan at mas mapadali ang kanilang pag-access sa mga serbisyo ng gobyerno.
Layunin ng mga intervention na matulungan ang mga dating combatant na magkaroon ng kabuhayan, mapaunlad ang kanilang kakayahan at maging produktibo at self-reliant na mga indibidwal bilang bahagi ng pagsusulong ng kapayapaan sa Bangsamoro.
Dumalo rin sa aktibidad si Akbar Mayor Alih A. Sali, kasama ang mga kinatawan ng MILF, Task Force for Decommissioned Combatants and their Communities, Joint Normalization Committee, 18th Infantry Battalion ng Philippine Army, at ilang ministeryo ng Bangsamoro government.

















