Patuloy na umiinit ang pulitika sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao kasunod ng paghahain ng manifestation of intent ng iba’t ibang political parties at pag-anunsyo ng Commission on Elections sa kauna-unahang parliamentary election sa Setyembre 14, 2026.

Sa gitna ng preparasyon, kapansin-pansin ang pagdami ng mga kontrobersyal na nilalaman sa social media kung saan ilang kandidato ang inilalarawan sa mga edited na larawan—may sungay, may nguso at tainga ng baboy, habang ang iba ay pinapakitang nagbibilang ng dolyar o may hawak na sako ng pera.

Mayroon ding mga post na nag-uugnay sa isang political party sa isyu ng Israel, bagay na itinuturing na sensitibo at nangangailangan ng wastong konteksto upang hindi magdulot ng maling interpretasyon sa publiko.

Kasabay nito, lumulutang din ang mga alegasyon ng “paglilipat-bakod” o political turncoatism, na lalo pang nagpapainit sa tensyon sa pagitan ng mga magkakatunggaling grupo.

Sa pagsusuri, itinuturing ng ilang political observers ang ganitong uri ng nilalaman bilang malinaw na anyo ng black propaganda—isang taktika na naglalayong sirain ang kredibilidad ng kalaban sa halip na ilahad ang sariling plataporma.

At sa patuloy na paglaganap nito, hindi na lamang paninira ang nakikita kundi tahasang pambabastos na sa mga kandidato, bagay na sumasalungat sa prinsipyo ng maayos at makataong diskurso sa demokratikong proseso.

Bagama’t may ilang partido na naglabas na ng opisyal na pahayag upang kondenahin ang ganitong gawain at itanggi ang pagkakasangkot, nananatiling laganap ang mga naturang post na mabilis kumalat sa iba’t ibang online platforms.

Sa panayam ng Star FM Cotabato noong Abril 15, sinabi ni Atty. Ray Sumalipao, Election Director ng BARMM, na mahigpit nilang pinapaalalahanan ang lahat ng kandidato at kanilang mga tagasuporta na iwasan ang paggamit ng social media bilang kasangkapan sa paninira.

Ayon kay Sumalipao, mas nararapat na ituon ng mga kandidato ang kanilang kampanya sa malinaw na plataporma at adbokasiya upang maipakita ang kanilang kakayahan bilang lider.

Hinimok din nito ang publiko na maging mapanuri at kritikal sa mga impormasyong kanilang nakikita online, lalo na sa panahon ng halalan kung saan laganap ang maling impormasyon at manipulasyon.

Sa ngayon, nananatiling hamon sa mga awtoridad kung paano mapipigilan ang paglaganap ng disinformation at black propaganda sa digital space, habang papalapit ang makasaysayang parliamentary elections sa Bangsamoro.