Dumalo ang mga opisyal, miyembro, at tagasuporta ng United Bangsamoro Justice Party o UBJP sa isinagawang party convention kahapon, araw ng Miyerkules, Abril 30 sa Camp Darapanan Gymnasium sa kabila ng mainit na panahon.

‎Isinagawa ang aktibidad bilang bahagi ng paghahanda ng partido para sa nakatakdang 2026 Bangsamoro Parliamentary Elections sa Setyembre 12.

‎Sa pagtitipon, ipinakilala ang mga nominado at kandidatong ilalatag ng partido para sa iba’t ibang posisyon sa rehiyon.

‎Dumalo rin ang mga lider ng Moro Islamic Liberation Front o MILF sa pangunguna nina Chairman Ahod Ebrahim at Vice Chairman Mohagher Iqbal.

‎Sa kanyang talumpati, sinabi ni Iqbal na kailangang ipagpatuloy ng mga miyembro ang paghahanda para sa halalan.

‎Binanggit din nito ang mga nakabinbing petisyon sa Korte Suprema na may kaugnayan sa halalan ngunit iginiit na hindi dapat maantala ang paghahanda ng partido.

‎Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Ebrahim na mahalaga ang pagsasagawa ng halalan bilang bahagi ng demokratikong proseso sa Bangsamoro.

‎Idinagdag nito na kinakailangang mapanatili ang mga nakamit sa rehiyon sa pamamagitan ng maayos na pamamahala.

‎Samantala, nilinaw ng UBJP na walang tinanggal o pinalitang opisyal sa hanay ng partido.

‎Ayon kay UBJP Spokesperson na si Mohajirin Ali, nananatiling Secretary General si Abdulraof Macacua.

‎Paliwanag ni Ali, hindi kumpleto ang dokumentong kumalat online kaya hindi nakita ang pangalan ni Macacua.

‎Sinabi rin nito na tanging ang kusang nagbibitiw o umaalis lamang ang maaaring matanggal sa partido.

‎Samantala, kinumpirma ng UBJP na nakapagsumite na ito ng listahan ng mga opisyal sa Commission on Elections Law Department.

‎Kaugnay nito, tinukoy ng partido na mahina ang petisyong inihain laban sa kanila sa Commission on Elections en banc.

‎Ayon kay Ali, ang isyung tinutukoy sa petisyon ay may kinalaman sa indibidwal at hindi sa buong partido.

‎Inaasahan naman ng UBJP na makapaglalabas ng desisyon ang poll body bago ang filing ng certificates of candidacy sa Mayo 5 hanggang 7.