Ipinauubaya na ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua sa United Bangsamoro Justice Party ang kanyang katayuan bilang opisyal ng partido kasunod ng magkakasalungat na pahayag mula sa mga lider nito.

Lumabas ang isyu matapos igiit ni UBJP Spokesperson Engr. Mohajirin Ali na kabilang pa rin sa isinumiteng dokumento sa Commission on Elections ang pangalan ni Macacua bilang opisyal ng partido.

Gayunman, kinumpirma naman ni MILF Chairman Al Haj Murad Ebrahim na siya ang acting secretary general ng UBJP at may plano umanong palitan si Macacua sa nasabing posisyon.

Nilinaw ni Macacua na bagamat nakatala ang kanyang pangalan bilang founder ng partido ay iba umano ito sa pagiging kasalukuyang opisyal.

Ipinakita rin ni Macacua sa media ang dokumentong nagsasaad na si Ebrahim ang tumatayong acting secretary general batay sa notaryadong papeles na may petsang Abril 1.

Ayon pa sa chief minister, kung kabilang pa siya sa mga opisyal ng partido ay dapat dumaan sa kanya ang listahan ng authorized signatories na isinumite sa COMELEC en banc.

Nanawagan din ito sa pamunuan ng UBJP na linawin ang isyu upang maiwasan ang paggamit nito sa paninira laban sa kanya.

Inihayag ni Macacua na ipinaalam niya sa partido ang kanyang mga hindi pagdalo sa mga pagpupulong ng Moro Islamic Liberation Front dahil sa umano’y negatibong trato at akusasyon laban sa kanya sa social media.

Iginiit din ng opisyal na nananatili siyang miyembro ng UBJP at wala umano siyang nilipatang ibang partido.

Hinamon pa nito ang mga nag-uugnay sa kanya sa ibang partido na suriin ang opisyal na listahan ng mga miyembro upang patunayang wala ang kanyang pangalan doon.

Binigyang-diin niya na ang kanyang pahayag ng suporta ay hindi nangangahulugang miyembro siya ng alinmang partido at wala umano siyang pinirmahang membership form.

Dagdag pa nito, normal lamang umano ang pag-endorso ng ilang grupo sa kanya at wala siyang nakikitang isyu dito.

Inihayag din ni Macacua na may iba’t ibang opsyon siya para sa susunod na halalan kabilang ang pananatili, paglipat ng partido o pagtakbong independiyente.

Sinabi rin ng opisyal na bukas siya sa pakikipag-usap kay Ebrahim anumang oras upang maresolba ang usapin.

Iginiit ni Macacua na nananatili ang kanyang mataas na respeto kay Ebrahim sa kabila ng isyu.

Ayon pa sa kanya, huli silang nag-usap isang araw bago ang pagsisimula ng buwan ng Ramadan.

Samantala, tiniyak ni Macacua na nananatiling buo ang MILF bilang isang organisasyon sa kabila ng mga umiiral na isyu.

Binigyang-diin nito na ang adhikain ng organisasyon ang pinanghahawakan ng mga miyembro at hindi ito maaaring talikuran ng sinuman.