‎Itinuturing na “out of time” ng Commission on Elections ang ikalawang petisyon na inihain laban sa United Bangsamoro Justice Party o UBJP kaugnay ng accreditation nito bilang regional parliamentary party.

‎Ito ang inihayag ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia sa exclusive interview ng 93.7 Star FM Cotabato sa gitna ng patuloy na pagtalakay ng komisyon sa naturang usapin.

‎Ayon kay Garcia, matapos ang unang petisyon ay may panibago pang inihain na muli nilang inirequire ng kasagutan.

‎Gayunman, sinabi ng opisyal na napagpasyahan ng COMELEC na hindi na ito dapat pang pagtuunan ng pansin dahil lampas na ito sa itinakdang panahon.

‎Binigyang-diin pa ng chairman na may indikasyon na ginagamit ang sunod-sunod na paghahain ng petisyon bilang delaying tactics upang maantala ang desisyon ng komisyon.

‎Dahil dito, tiniyak ng COMELEC na hindi nila hahayaang maantala ang pagresolba sa petition for accreditation ng isang political party.

‎Sinabi rin ni Garcia na inaasahang kikilos ang komisyon sa loob ng linggong ito upang makapaglabas ng kaukulang desisyon.

‎Dagdag pa ng opisyal, kahit may mga araw na walang pasok dahil sa Labor Day at work-from-home setup, nagsagawa na ng deliberasyon at konsultasyon ang mga commissioner upang mapabilis ang pagdedesisyon.