Pitong dating miyembro ng violent extremist groups ang kusang-loob na nagbalik-loob sa pamahalaan sa Maguindanao del Sur bilang bahagi ng pinaigting na kampanya para sa kapayapaan at seguridad sa lalawigan.

Pinangunahan ng 90th Infantry Battalion sa pamumuno ni Lt. Col. Loqui Marco ang pormal na pagsuko ng mga dating armadong indibidwal sa isinagawang seremonya sa Barangay Kabengi, Datu Saudi Ampatuan.

Dumalo rin sa aktibidad sina 601st Brigade Commander Brigadier General Edgar Catu at Maguindanao del Sur Police Director Police Colonel Michael Mangahis.

Kasabay ng kanilang pagbabalik-loob, isinuko rin ng mga dating extremist personalities ang iba’t ibang matataas na kalibre ng armas kabilang ang apat na Barrett rifles, dalawang 81-millimeter mortar, at isang Garand rifle.

Samantala, matagumpay ring isinagawa ang “Balik-Baril Program” sa tulong ng iba’t ibang lokal na pamahalaan sa Maguindanao del Sur kung saan boluntaryong isinuko ng mga residente ang ilang loose firearms at iba pang armas.

Kabilang sa mga naibalik sa pamahalaan ang mga shotgun, revolver, pistola, caliber .30 carbine, fragmentation grenade, at isang rocket-propelled grenade o RPG launcher.

Ayon kay Brigadier General Catu, malinaw na indikasyon ang mga boluntaryong pagsuko na mas lumalakas ang tiwala ng mamamayan sa mga programang pangkapayapaan ng pamahalaan.

Binigyang-diin naman ni 6th Infantry Division Commander Major General Jose Vladimir Cagara na patuloy na palalakasin ng militar ang pakikipag-ugnayan sa mga komunidad upang tuluyang wakasan ang armadong kaguluhan at mapanatili ang pangmatagalang kapayapaan sa Central Mindanao.