‎Kinumpirma ng Cotabato Light and Power Company ang nakatakdang 12.5 oras na power interruption sa buong franchise area nito sa araw ng Linggo, Mayo 17.

‎Batay sa abiso ng utility company, magsisimula ang pagkawala ng suplay ng kuryente dakong alas-5:45 ng umaga hanggang alas-6:15 ng gabi.

‎Sa panayam ng 93.7 Star FM Cotabato kay Doreen Almirante, sinabi nitong alinsunod ito sa maintenance activity ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP.

‎Ayon kay Almirante, magsasagawa ang NGCP ng pagkukumpuni at maintenance works sa Sultan Kudarat–Datu Saudi Ampatuan 69kV transmission line at Kibawe–Sultan Kudarat 138kV line.

‎Ipinaliwanag nito na mahalaga ang naturang pagsasaayos upang mapanatiling maayos ang linya ng transmisyon na dinadaanan ng kuryenteng ipinapamahagi ng Cotabato Light sa mga consumer nito.

‎Dagdag pa ng opisyal, posible namang maibalik nang mas maaga ang serbisyo ng kuryente kung matatapos agad ng mga lineman ng NGCP ang kanilang maintenance works.

‎Nilinaw naman ni Almirante na wala sa direktang kontrol ng Cotabato Light ang naturang aktibidad ng NGCP kaya humihingi sila ng paumanhin at pang-unawa sa kanilang mga consumer na maaapektuhan ng power interruption.