Kinumpirma ng Cotabato Light and Power Company ang nakatakdang 12.5 oras na power interruption sa buong franchise area nito sa araw ng Linggo, Mayo 17.
Batay sa abiso ng utility company, magsisimula ang pagkawala ng suplay ng kuryente dakong alas-5:45 ng umaga hanggang alas-6:15 ng gabi.
Sa panayam ng 93.7 Star FM Cotabato kay Doreen Almirante, sinabi nitong alinsunod ito sa maintenance activity ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP.
Ayon kay Almirante, magsasagawa ang NGCP ng pagkukumpuni at maintenance works sa Sultan Kudarat–Datu Saudi Ampatuan 69kV transmission line at Kibawe–Sultan Kudarat 138kV line.
Ipinaliwanag nito na mahalaga ang naturang pagsasaayos upang mapanatiling maayos ang linya ng transmisyon na dinadaanan ng kuryenteng ipinapamahagi ng Cotabato Light sa mga consumer nito.
Dagdag pa ng opisyal, posible namang maibalik nang mas maaga ang serbisyo ng kuryente kung matatapos agad ng mga lineman ng NGCP ang kanilang maintenance works.
Nilinaw naman ni Almirante na wala sa direktang kontrol ng Cotabato Light ang naturang aktibidad ng NGCP kaya humihingi sila ng paumanhin at pang-unawa sa kanilang mga consumer na maaapektuhan ng power interruption.

















