‎Iginiit ni BARMM Chief Minister Abduraof Macacua na ang umano’y korapsyon sa Ministry of Basic, Higher and Technical Education o MBHTE at hindi ang personalidad ni Mohagher Iqbal ang sentro ng kasalukuyang kontrobersiya sa ahensya.

‎Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Macacua na walang sinuman umano ang nagdikta sa kaniya kaugnay ng naging hakbang laban sa MBHTE at binigyang-diin na ang pangunahing usapin ay ang umano’y katiwalian sa loob ng ministry.

‎Ayon sa Chief Minister, lumabas umano sa mga imbestigasyon ng Commission on Audit at ng Blue Ribbon Committee ang iba’t ibang alegasyon ng anomalya at iregularidad sa ahensya.

‎Binigyang-diin din ni Macacua na bahagi ng kaniyang “Oath of Moral Governance” bilang pinuno ng BARMM ang paninindigan laban sa graft and corruption sa regional government.

‎Inihalintulad pa nito ang kampanya kontra korapsyon sa ipinaglaban umano ng mga Bangsamoro fighters sa nakaraan laban sa kawalan ng hustisya at katiwalian.

‎Sinabi rin ng opisyal na hindi ito ang unang pagkakataon na may inalis sa puwesto dahil sa alegasyon ng maling pamamahala, matapos niyang banggitin ang naging pag-alis noon sa ilang opisyal ng Ministry of Health dahil din sa umano’y kahalintulad na isyu.

‎Ayon pa kay Macacua, dumaan umano siya sa taimtim na pagdarasal bago tuluyang magdesisyon kaugnay sa usapin.

‎Tinawag din ng Chief Minister na kaniyang “final jihad” laban sa korapsyon ang naturang hakbang at sinabi nitong handa siyang ituloy ang laban kahit magdulot pa ito ng pagkakahati-hati sa kanilang hanay.

‎Nagbabala rin si Macacua sa mga ministers at kawani ng BARMM na kailangang sumunod sa prinsipyo ng moral governance, at sinabing maaari niyang ipatanggal sa puwesto o sampahan ng kaso ang sinumang mapapatunayang sangkot sa korapsyon.