Iginiit ni BARMM Chief Minister Abduraof Macacua na ang umano’y korapsyon sa Ministry of Basic, Higher and Technical Education o MBHTE at hindi ang personalidad ni Mohagher Iqbal ang sentro ng kasalukuyang kontrobersiya sa ahensya.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Macacua na walang sinuman umano ang nagdikta sa kaniya kaugnay ng naging hakbang laban sa MBHTE at binigyang-diin na ang pangunahing usapin ay ang umano’y katiwalian sa loob ng ministry.
Ayon sa Chief Minister, lumabas umano sa mga imbestigasyon ng Commission on Audit at ng Blue Ribbon Committee ang iba’t ibang alegasyon ng anomalya at iregularidad sa ahensya.
Binigyang-diin din ni Macacua na bahagi ng kaniyang “Oath of Moral Governance” bilang pinuno ng BARMM ang paninindigan laban sa graft and corruption sa regional government.
Inihalintulad pa nito ang kampanya kontra korapsyon sa ipinaglaban umano ng mga Bangsamoro fighters sa nakaraan laban sa kawalan ng hustisya at katiwalian.
Sinabi rin ng opisyal na hindi ito ang unang pagkakataon na may inalis sa puwesto dahil sa alegasyon ng maling pamamahala, matapos niyang banggitin ang naging pag-alis noon sa ilang opisyal ng Ministry of Health dahil din sa umano’y kahalintulad na isyu.
Ayon pa kay Macacua, dumaan umano siya sa taimtim na pagdarasal bago tuluyang magdesisyon kaugnay sa usapin.
Tinawag din ng Chief Minister na kaniyang “final jihad” laban sa korapsyon ang naturang hakbang at sinabi nitong handa siyang ituloy ang laban kahit magdulot pa ito ng pagkakahati-hati sa kanilang hanay.
Nagbabala rin si Macacua sa mga ministers at kawani ng BARMM na kailangang sumunod sa prinsipyo ng moral governance, at sinabing maaari niyang ipatanggal sa puwesto o sampahan ng kaso ang sinumang mapapatunayang sangkot sa korapsyon.

















