Nagpaabot ng pagbati si Bangsamoro Youth Commission (BYC) Chair Nasrudin “Nas” Dunding sa sambayanang Muslim, partikular sa mga kabataang Bangsamoro, kasabay ng pagdiriwang ng Eid’l Adha Al-Mubarak.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Dunding na ang pagdiriwang ay paalala ng kahalagahan ng sakripisyo, matatag na pananampalataya, at katatagan sa pagharap sa mga hamon ng buhay.
Ayon sa kanya, ang diwa ng Eid’l Adha ay sumasalamin sa aral ng pagtitiwala sa Allah at sa kahalagahan ng paninindigan sa gitna ng mga pagsubok.
Hinimok din nito ang mga kabataang Bangsamoro na manatiling matatag sa kanilang mga pangarap at patuloy na magsikap para sa mas magandang kinabukasan.
Binigyang-diin pa ni Dunding na ang tunay na tagumpay ay hindi nasusukat sa kaginhawahan, kundi sa tibay ng pananampalataya at kabutihan ng layunin.
Nanawagan din siya para sa patuloy na kapayapaan, pagkakaisa, at pag-iral ng malasakit sa bawat komunidad sa Bangsamoro.
Kasabay nito, nagpaabot si Dunding, sa ngalan ng Bangsamoro Youth Commission at mga kabataang Bangsamoro, ng pagbati ng mapayapa at makabuluhang pagdiriwang ng Eid’l Adha.

















