Nagsagawa ng case conference ang Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) kaugnay ng insidente ng pamamaril sa isang media personality sa Malidegao, Special Geographic Area (SGA), kahapon May 26 sa Camp BGen Salipada K. Pendatun sa Parang, Maguindanao del Norte.
Pinangunahan ni PBGEN Christopher M. Abecia ang pagpupulong na tumalakay sa estado ng imbestigasyon sa pamamaril na kinasangkutan ni Nestor M. Micator, isang media personality ng D’Empire Radio Broadcasting Network and Communication Center.
Dumalo rin sa case conference ang mga kinatawan ng Presidential Task Force on Media Security kasama ang mga opisyal at imbestigador mula sa Maguindanao del Norte Police Provincial Office upang suriin ang progreso ng imbestigasyon at pagtibayin ang koordinasyon ng mga ahensyang sangkot sa kaso.
Ayon sa PRO BAR, layunin ng pagpupulong na mapalakas ang inter-agency coordination at matiyak ang mas mabilis at maayos na pag-usad ng imbestigasyon kaugnay ng insidente.
Iginiit din ng pulisya na nagpapatuloy ang pagtutok sa lahat ng posibleng lead at ebidensiya bilang bahagi ng isinasagawang masusi at patas na imbestigasyon upang mabigyan ng hustisya ang kaso.

















