Sinuspinde ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) Central Committee si BARMM Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Al Mansur” Macacua bilang Chief of Staff ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF).

Batay sa Resolution No. 01, Series of 2026 na inilabas kahapon, araw ng Miyerkules, June 03, 2026, epektibo agad ang suspensyon ni Macacua hanggang sa ito ay bawiin ng MILF Central Committee.

Ayon sa resolusyon, nakitaan umano si Macacua ng mga gawaing itinuturing na pagsuway at hindi pagsunod sa mga direktiba at nagkakaisang desisyon ng MILF Central Committee.

Ayon sa resolusyon, na ang ilang desisyon at pahayag ni Macacua ay hindi umano naaayon sa itinakdang linya ng pamunuan at sa umiiral na disiplina ng organisasyon.

Kabilang sa binanggit sa resolusyon ang umano’y hindi pagsunod ni Macacua sa Memorandum Order No. 09, Series of 2026 na nag-uutos ng konsultasyon sa MILF kaugnay ng mahahalagang desisyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Tinukoy rin ng MILF ang pagtanggal kay MILF Vice Chairman Mohagher Iqbal bilang Minister of Basic, Higher and Technical Education sa kabila ng naunang payo ng Central Committee na ipagpaliban ang naturang hakbang.

Binanggit din sa resolusyon ang naging pagtakbo ni Macacua bilang independent candidate sa halip na gamitin ang pangalan ng United Bangsamoro Justice Party o UBJP, na opisyal na partidong pampulitika ng MILF.

Ayon sa MILF Central Committee, ang mga naturang hakbang ay nakaaapekto umano sa pagkakaisa, disiplina at integridad ng organisasyon.

Dahil dito, inatasan ang lahat ng komite at field commands ng MILF na kilalanin at ipatupad ang nasabing resolusyon.

Sa ilalim ng kautusan, mawawala rin kay Macacua ang lahat ng kapangyarihan, pribilehiyo at katayuang kaugnay ng posisyon bilang BIAF Chief of Staff habang nananatiling epektibo ang kanyang suspensyon.

Pansamantala namang hahawakan ni MILF Chairman Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim, bilang Commander-in-Chief ng BIAF-MILF, ang posisyon ng Chief of Staff.

Disclaimer: Bukas ang 93.7 Star FM Cotabato sa panig, pahayag, o anumang paglilinaw ni BARMM Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Al Mansur” Macacua kaugnay ng isyung ito upang maiparating sa publiko ang lahat ng panig ng usapin.