Arestado ang isang 59-anyos na lalaki na itinuturing na regional target-listed drug personality matapos masangkot sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) BARMM sa Barangay Banga, Wao, Lanao del Sur noong Hunyo 10, 2026.

Kinilala ng mga awtoridad ang suspek sa alyas na “Fernando,” may asawa at residente ng Barangay Eastern 2, Wao, Lanao del Sur.
Pinangunahan ng PDEA Lanao del Sur Provincial Office, katuwang ang Wao Municipal Police Station, ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Nakumpiska mula sa kanya ang anim na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang pitong gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P47,600. Narekober din ang isang itim na XRM 125 motorcycle at ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA BARMM Jail Facility ang suspek habang hinihintay ang inquest proceedings.
Mahaharap siya sa kasong paglabag sa Section 5 o pagbebenta ng ilegal na droga at Section 11 o pag-iingat ng ilegal na droga sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon sa PDEA BARMM, bahagi ang operasyon ng patuloy na kampanya laban sa iligal na droga upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.

















