‎Sa gitna ng kanyang pag-alis sa United Bangsamoro Justice Party (UBJP), nagpahayag ng pasasalamat si Cotabato City Mayor Mohammad Ali “Bruce” Matabalao sa partidong sumuporta sa kanyang kandidatura noong halalan noong 2022.

‎Sa isang press conference, sinabi ng alkalde na minabuti niyang maglabas ng liham upang kilalanin ang naging papel ng UBJP sa kanyang pagpasok sa lokal na pamahalaan sa halip na simpleng magsumite lamang ng liham ng pagbibitiw.

‎Ayon kay Matabalao, malaki ang naging ambag ng partido sa kanyang tagumpay sa halalan at sa pagkakataong makapagsilbi bilang alkalde ng lungsod.

‎Sinabi rin nito na nananatili ang kanyang pagpapahalaga sa mga lider at kasapi ng UBJP sa kabila ng kanyang naging desisyon na kumalas sa partido.

‎Sa kanyang naging pahayag, binigyang-diin ng alkalde na wala siyang hinanakit laban sa kanyang dating partidong kinabibilangan at mas nanaisin niyang alalahanin ang mga positibong karanasan at suportang kanyang natanggap mula rito.

‎Matatandaang kamakailan ay kinumpirma ni Matabalao ang kanyang pag-alis sa UBJP at paglipat sa Bangsamoro Federalist Party (BFP).

‎Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang pamunuan ng UBJP kaugnay sa naging liham at mga pahayag ng alkalde.