Mahigit 700,000 Globe at TM subscribers sa ilang lugar sa Mindanao na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol ang sakop ng libreng satellite-to-mobile connectivity service na inilunsad upang makatulong sa pagpapanatili ng komunikasyon habang nagpapatuloy ang disaster response at recovery operations.
Ayon sa Globe Telecom, saklaw ng programa ang mga piling lugar sa South Cotabato, Sultan Kudarat, at Sarangani kung saan nakaranas ng epekto ang mga residente kasunod ng malakas na pagyanig noong Hunyo 8.
Layunin ng hakbang na magbigay ng alternatibong paraan ng komunikasyon sa mga lugar na maaaring nakaranas ng pagkaantala o limitadong access sa karaniwang cellular network dahil sa pinsalang dulot ng lindol.
Sa ilalim ng programa, makatatanggap ng libreng mobile data at text allocation ang mga kwalipikadong Globe at TM subscribers sa mga apektadong lugar.
Ito rin ang unang pagkakataon na ginamit ng Globe ang satellite-to-mobile technology sa disaster response operations nito sa bansa sa pakikipagtulungan sa Starlink.
Maaaring direktang kumonekta ang mga compatible mobile device na may aktibong Globe SIM sa “G Starlink” network upang makapagpadala ng mensahe at makagamit ng limitadong internet services kahit walang available na conventional cellular infrastructure.
Patuloy naman ang pagsusuri ng mga awtoridad sa lawak ng pinsalang dulot ng lindol habang nagpapatuloy rin ang paghahatid ng tulong at serbisyo sa mga apektadong komunidad.

















