Arestado ang isang lalaki at nasamsam ang tinatayang mahigit 800 libong pisong halaga ng sigarilyong hinihinalang ipinuslit sa isinagawang checkpoint operation sa Brgy. Makir, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, madaling araw ng Hunyo 19, 2026.
Bandang alas-2:30 ng umaga nang harangin ng mga tauhan ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station ang isang puting Suzuki Elf na may plakang MAQ7123 na minamaneho ni alyas Mid, 43-anyos, may asawa, drayber, at residente ng Brgy. Bayan a Sur, Matanog, Maguindanao del Norte.
Ayon sa ulat, isinagawa ang checkpoint operation base sa natanggap na intelligence information hinggil sa posibleng pagbiyahe ng mga iligal na produkto. Sa masusing inspeksyon, natuklasan ng mga otoridad ang 20 master cases ng FORT cigarettes o katumbas ng 1,000 reams na nakatago sa ilalim ng kargamento at tinakpan pa ng mga kahon upang hindi mahalata.
Tinatayang umaabot sa ₱866,910 ang halaga ng mga nasamsam na sigarilyo batay sa standard BIR floor price.
Agad ding isinailalim sa kustodiya ng pulisya ang driver at ang nasabing sasakyan, habang nakipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa Bureau of Customs – Sub-Port Parang para sa kaukulang disposisyon ng mga nakumpiskang kontrabando at kaukulang kaso.

















