Nasamsam ng mga awtoridad ang aabot sa P887,791 na halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo sa isang joint operation sa Makilala, Cotabato nitong Hunyo 19, 2026.
Ayon sa Makilala Municipal Police Station, katuwang ang Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) ng Barangay Kawayanon, unang naaresto at nasabat ang isang Nissan mini van na sangkot sa vehicular crash na umano’y may lamang kontrabandong sigarilyo.
Mula rito, nakumpiska ang dalawang kahon ng Fort White Menthol cigarettes na may halagang nasa P75,000. Ang suspek na isang 25-anyos na negosyante mula Digos City, Davao del Sur ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya para sa imbestigasyon.
Samantala, bandang hapon ay muling nakapagtala ng karagdagang recovery matapos boluntaryong isuko ng mga barangay opisyal ang 19 pang kahon o nasa 950 reams ng parehong klase ng sigarilyo na nagkakahalaga ng P812,791, na natagpuan sa isang damuhan sa Purok 1.
Ayon kay PCOL Ramel B Hojilla, Provincial Director ng Cotabato Police Provincial Office, patunay ito ng mas pinatibay na ugnayan ng PNP, barangay officials, at komunidad laban sa ilegal na aktibidad.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong operasyon sa likod ng kontrabando.

















