Mas pinaigting ng Bangsamoro Government ang koordinasyon at pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga programang pangkapayapaan at pangkaunlaran sa iba’t ibang komunidad sa rehiyon.

Ito ay matapos makipagpulong si BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua kina Maguindanao del Sur Governor Kagui Ali Midtimbang, Maguindanao del Norte Governor Datu Tucao Mastura, at mga alkalde mula sa iba’t ibang bayan ng Maguindanao del Norte.

Sa pulong, tinalakay ang mga prayoridad na proyekto at programang nakatakdang ipatupad sa mga lalawigan at munisipyo sa tulong ng Bangsamoro Government, kabilang ang mga hakbang na magpapalakas sa serbisyo publiko at magbibigay ng karagdagang benepisyo sa mga mamamayan.

Ipinahayag din ng pamahalaang Bangsamoro ang kahandaan nitong makipagtulungan sa mga local government units upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan at mapabilis ang paghahatid ng mga serbisyo sa komunidad.

Samantala, hinikayat ni Chief Minister Macacua ang mga lokal na opisyal na ipagpatuloy ang mahusay at responsableng pagtupad sa kanilang mandato, kasabay ng pagsusulong ng prinsipyo ng moral governance sa kanilang pamamahala.