Muling nagsagawa ng Information Dissemination Campaign ang 601st Infantry (Unifier) Brigade sa iba’t ibang bahagi ng Maguindanao del Sur bilang bahagi ng kampanya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.
Ayon kay Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry Brigade, layunin ng kampanya na hikayatin ang mga natitirang kasapi ng mga lokal na teroristang grupo tulad ng BIFF at Dawlah Islamiyah na magbalik-loob sa pamahalaan at isuko ang kanilang mga armas. Kasabay nito, nanawagan din ang militar sa mga nagmamay-ari ng mga iligal na baril na boluntaryong isuko ang mga ito upang maiwasan ang karahasan at mabigyan ng pagkakataong makapagsimula ng panibagong buhay kasama ang kanilang mga pamilya.
Sinabi ni Brig. Gen. Catu na naging matagumpay ang naunang information campaign matapos sumuko ang isang kasapi ng isang lokal na teroristang grupo sa Mamasapano noong Enero 18, 2026, kung saan isinuko rin nito ang isang M16 rifle at nabigyan ng pagkakataong magbagong-buhay.
Samantala, sinabi ni Major General Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry (Kampilan) Division, na mahalagang bahagi ng kampanya ng 6th Infantry Division ang pagpapakalat ng mga kalatas bilang isang mapayapang paraan upang maipaabot ang mensahe ng pamahalaan sa mga nais talikuran ang karahasan. Iginiit din niya na nananatiling handa ang militar na tulungan ang mga nagnanais magbalik-loob upang makapamuhay nang mapayapa kasama ang kanilang mga pamilya.

















