Naglabas ng Heavy Rainfall Warning No. 2 ang Cotabato City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) alas-11:00 ng umaga ngayong Huwebes, Hulyo 9, kasabay ng pagpapatuloy ng epekto ng Habagat sa lungsod.
Ayon sa abiso, nakararanas ang Cotabato City at mga karatig na lugar ng katamtaman hanggang paminsan-minsang malakas na pag-ulan na inaasahang magtatagal pa sa loob ng dalawa hanggang tatlong oras.
Dahil dito, itinaas ang Yellow Warning, na nangangahulugang posible ang pagbaha sa mga mabababang lugar, madulas na mga kalsada, at pagkaantala sa biyahe.
Pinapayuhan ang publiko na magdala ng payong o kapote kung lalabas ng bahay, mag-ingat sa pagmamaneho dahil sa madulas na kalsada, at patuloy na subaybayan ang mga opisyal na abiso ng mga kinauukulang ahensya.
Patuloy namang mino-monitor ng CDRRMO ang lagay ng panahon at kahandaan ng mga response team sakaling lumala pa ang epekto ng pag-ulan.

















