Naglabas ng Heavy Rainfall Warning No. 2 ang Cotabato City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) alas-11:00 ng umaga ngayong Huwebes, Hulyo 9, kasabay ng pagpapatuloy ng epekto ng Habagat sa lungsod.

‎Ayon sa abiso, nakararanas ang Cotabato City at mga karatig na lugar ng katamtaman hanggang paminsan-minsang malakas na pag-ulan na inaasahang magtatagal pa sa loob ng dalawa hanggang tatlong oras.

‎Dahil dito, itinaas ang Yellow Warning, na nangangahulugang posible ang pagbaha sa mga mabababang lugar, madulas na mga kalsada, at pagkaantala sa biyahe.

‎Pinapayuhan ang publiko na magdala ng payong o kapote kung lalabas ng bahay, mag-ingat sa pagmamaneho dahil sa madulas na kalsada, at patuloy na subaybayan ang mga opisyal na abiso ng mga kinauukulang ahensya.

‎Patuloy namang mino-monitor ng CDRRMO ang lagay ng panahon at kahandaan ng mga response team sakaling lumala pa ang epekto ng pag-ulan.