Dalawang high-powered firearms ang narekober ng mga sundalo ng 38th Infantry Battalion sa ilalim ng 601st Infantry Brigade matapos ang panibagong engkwentro laban sa pinagsanib na miyembro ng Dawlah Islamiyah-Hassan Group (DI-HG), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), at Panenekelan Group sa Maguindanao del Sur.
Naganap ang engkwentro kahapon July 23 sa Barangay Inaladan, Shariff Saydona Mustapha, habang nagsasagawa ng Decisive Military Operations ang tropa ng 38th Infantry Battalion sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Erwin E. Felongco.
Ayon sa ulat, nauwi sa palitan ng putok ang operasyon bago umatras ang armadong grupo. Sa isinagawang pursuit operation, narekober ng mga sundalo ang isang M16 caliber 5.56-millimeter rifle at isang M1 Garand caliber .30 rifle na iniwan umano ng mga tumatakas na armadong grupo.
Ayon sa militar, ang mga nakasagupa ay pinaniniwalaang sangkot sa serye ng mga insidente ng pambobomba, pangha-harass, at pananambang laban sa mga sundalo at pulis sa ilang bahagi ng Maguindanao del Sur.
Sinabi ni Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry Brigade, na isa na namang dagok sa mga armadong grupo ang pagkakarekober ng kanilang mga armas at tiniyak na magpapatuloy ang operasyon ng militar laban sa mga ito.
Samantala, pinuri naman ni Major General Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng 6th Infantry “Kampilan” Division at Joint Task Force Central, ang mga sundalong nagsagawa ng operasyon. Aniya, magpapatuloy ang intelligence-driven military operations upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa rehiyon, lalo na sa nalalapit na Bangsamoro Parliamentary Elections.

















