Itinanggi ng Moro National Liberation Front o MNLF na kinukupkop o pinoprotektahan nito si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, kasunod ng mga espekulasyong posibleng nagtatago ang senador sa isang armadong grupo sa Mindanao.
Sa isang pahayag nitong Oktubre 30, 2026, nilinaw ng MNLF Information Committee na walang pormal at kumpirmadong ugnayan sa pagitan ng organisasyon at ni Dela Rosa.
Ipinaliwanag din ng grupo na ang mga naging pahayag at pakikisalamuha ng senador sa MNLF ay may kaugnayan sa mga usapin ng armadong tunggalian, pagsusulong ng kapayapaan at mga programang para sa mga dating rebelde at kanilang pamilya.
Kabilang din sa mga nabanggit ang ugnayan ni MNLF founder Nur Misuari kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na itinuturing na political patron ni Dela Rosa. Gayunman, hindi umano ito sapat na batayan upang sabihing may operasyon o organisasyonal na ugnayan ang senador sa MNLF.
Binigyang-diin ng MNLF na nananatiling espekulasyon ang mga ulat na pinoprotektahan nito si Dela Rosa, lalo’t nahahati sa iba’t ibang paksyon ang organisasyon at hindi malinaw kung may kakayahan o intensyon ang alinmang paksyon na itago ang senador.

















