Sumuko ang anim na dating marahas na extremist o Former Violent Extremists (FVEs) at isinuko ang kanilang mga high-powered firearm sa 1st Mechanized Infantry (Lakan) Battalion sa Barangay Midtimbang, Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao del Sur noong Hulyo 29.

Kasabay nito, boluntaryo ring isinuko ng mga residente mula sa mga bayan ng Talayan, Guindulungan, at Datu Anggal Midtimbang ang 18 pang loose firearms, kaya umabot sa kabuuang 24 na baril ang naisuko sa isinagawang aktibidad.

Pormal na ipinrisinta ang mga dating armadong indibidwal at ang mga isinukong armas kay 601st Infantry Brigade Commander Brigadier General Edgar L. Catu, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng 601st Infantry Brigade at 1st Mechanized Infantry Battalion, katuwang ang mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno, upang maisulong ang matatag na kapayapaan at seguridad sa lugar.

Bilang tulong sa mga sumuko, nakatanggap ang mga ito ng ayuda kabilang ang bigas mula sa Pamahalaang Bayan ng Talayan at cash assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Ministry of Social Services and Development (MSSD), at Ministry of Public Order and Safety (MPOS).

Ayon kay Brigadier General Catu, ang boluntaryong pagsuko ng mga dating armadong indibidwal at kanilang mga armas ay nagpapakita ng lumalakas na suporta ng mga komunidad sa kapayapaan, kaayusan, at pag-unlad sa Maguindanao del Sur.