Nanawagan si Princess Jacel Kiram, anak ng yumaong Sultan ng Sulu na si Jamalul Kiram III, sa pamahalaan ng Pilipinas na ipagpatuloy ang pagsusulong ng Sabah claim sa pamamagitan ng mapayapa at diplomatikong paraan.

‎‎Sa panayam sa Cotabato City, sinabi ni Kiram na ang usapin sa Sabah ay hindi lamang para sa mga tagapagmana ng Sultanato ng Sulu kundi isang pambansang isyu na may kaugnayan sa kasaysayan at pangmatagalang interes ng bansa.

‎‎Ayon sa kanya, mahalaga rin ang usapin dahil sa likas na yaman ng Sabah, kabilang ang mga reserbang langis, na maaari umanong maging kapaki-pakinabang sa ekonomiya ng Pilipinas.‎‎

Iginiit ni Kiram na batay sa mga makasaysayang dokumento, ang Sabah ay ipinaupa at hindi ipinagbili sa ilalim ng kasunduang nilagdaan noong 1878 sa pagitan ng Sultanato ng Sulu at ng British North Borneo Company.‎‎

Binanggit din niya ang 2022 international arbitration award na pumabor sa mga tagapagmana ng Sultan ng Sulu sa isang contractual dispute laban sa Malaysia.‎‎

Gayunman, patuloy na tinatanggihan ng Malaysia ang naturang arbitration award at iginigiit na bahagi ng soberanong teritoryo nito ang Sabah.‎‎

Nanawagan si Kiram sa pamahalaan na ipagpatuloy ang paghahanap ng mapayapa at diplomatikong solusyon sa matagal nang usapin, at sinuportahan din ang mungkahing isama sa mga aralin sa paaralan ang kasaysayan ng Sabah claim upang mapalawak ang kamalayan ng publiko.‎‎

Nananatiling ipinaglalaban ng Pilipinas ang makasaysayang pag-angkin nito sa Sabah, habang patuloy namang iginigiit ng Malaysia ang soberanya nito sa naturang teritoryo.‎