Naglunsad ang Ministry of Public Order and Safety o MPOS-BARMM ng Public Safety Election Awareness Campaign Series bilang paghahanda sa nalalapit na BARMM Parliamentary Elections.

Ayon sa MPOS-BARMM, layunin ng kampanya na magbahagi ng mahahalagang impormasyon tungkol sa responsableng pakikilahok sa halalan, karapatan ng mga botante, mga ipinagbabawal na gawain, at tamang asal sa panahon ng eleksyon.

Sinabi ng ahensya na bahagi rin ng kampanya ang pagpapalakas ng kamalayan ng publiko upang makatulong sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaligtasan, at kaayusan sa mga komunidad sa Bangsamoro.

Binigyang-diin ng MPOS-BARMM na maaaring makaapekto sa kapayapaan at kaayusan ang mga mensaheng ibinabahagi sa publiko, sa mga aktibidad ng kampanya, at sa mga online platform sa panahon ng eleksyon.

Hinikayat ng MPOS-BARMM ang publiko na makilahok nang responsable upang makatulong sa pagpapanatili ng kaayusan at pagpapalakas ng kultura ng kapayapaan sa Bangsamoro.