Binigyang-diin ni United Bangsamoro Justice Party (UBJP) Vice President at dating Peace Implementing Panel Chair Datucan “Mohagher Iqbal” Abas na wala umanong BARMM kung wala ang MILF. Ito ay kanyang inihayag sa kanyang talumpati sa pagtitipon ng UBJP District 3 sa Cotabato City ngayong Linggo, August 2, 2026.

Ayon kay Iqbal, mahalagang maunawaan ng mga Bangsamoro at ng publiko ang pinagmulan ng kasalukuyang pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Aniya, ang pagkakatatag ng BARMM ay bunga ng ilang dekadang armadong pakikibaka at ng mahabang proseso ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front o MILF at ng pamahalaan.

Dagdag pa ni Iqbal na ang mga pagbabagong nararanasan, nakikita, at tinatamasa ng mamamayan sa rehiyon ay bunga ng mga naging sakripisyo at negosasyon upang maisulong ang kapayapaan at maitatag ang sariling pamamahala ng Bangsamoro.