Pinalalakas ng Globe at GCash ang digital at financial inclusion sa Valencia Central Public Market sa pamamagitan ng pagpapalawak ng cashless payment at internet connectivity sa naturang pamilihan.
Ayon sa Globe, ang Valencia Central Public Market ang kauna-unahang pamilihan sa Mindanao na napabilang sa kanilang inisyatiba para gawing mas digitally enabled ang mga tradisyunal na palengke.
Isinagawa ang paglalagay ng Globe AT HOME GFiber Prepaid upang mapalakas ang internet connectivity at public WiFi sa loob ng palengke, na inaasahang makatutulong sa mas mabilis na paggamit ng GCash at iba pang digital services.
Mahigit 270 vendors ang nasa Valencia Central Public Market na nagsisilbi sa tinatayang 220,000 residente at 54,000 kabahayan sa lugar.
Ayon sa Globe, kabilang sa mga layunin ng programa ang pagpapadali ng cashless transactions para sa mga vendor at mamimili, gayundin ang pagsusulong ng financial inclusion sa mga komunidad.
Sinabi ng kumpanya na matagal nang hamon sa ilang palengke ang mahinang internet connectivity na maaaring makaapekto sa digital payments.
Samantala, sinabi ng isang vendor sa Valencia City Public Market na nakatutulong ang libreng WiFi sa mas mabilis na pagbabayad ng mga customer gamit ang GCash.
Bukod sa public market, sinabi rin ng Globe na ang GFiber Prepaid ay naglalayong magbigay sa mga kabahayan ng mas abot-kaya at reloadable na internet connection na maaaring gamitin sa online learning, work-from-home arrangements at iba pang online livelihood activities.
Patuloy namang lumalawak ang naturang inisyatiba ng Globe at GCash sa iba’t ibang public markets sa bansa bilang bahagi ng pagsusulong ng digital connectivity at cashless transactions.

















