Ito ang kasalukuyang sitwasyon sa loob ng Bangsamoro Government Center sa Cotabato City matapos tambangan umano ang convoy ni BARMM Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua dakong alas-4:45 ngayong hapon sa Barangay Dulangan, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Tatlong sasakyan umano sa convoy ang tinamaan ng bala, ngunit ligtas naman ang mga sakay ng mga ito.

Makikita sa loob ng Bangsamoro Government Center ang mga sasakyang sinasabing kabilang sa convoy, kabilang ang isang Toyota Land Cruiser at Toyota Fortuner, na nagtamo ng mga tama ng bala.

Galing umano ang convoy sa hometown ni Chief Minister Macacua sa Barangay Gambar, Mother Kabuntalan, Maguindanao del Norte, at patungo sana sa BARMM compound sa Cotabato City matapos ang katatapos lamang na Grand Proclamation Rally ng Bangsamoro Federalist Party o BFP.

Sa nasabing aktibidad, sumapi si Macacua sa BFP at itinalaga bilang bagong Chairman at President ng partido.

Batay sa paunang impormasyon, ligtas si Chief Minister Macacua at ang kanyang mga kasamahan sa insidente.

Kinumpirma rin ng isang security personnel na malapit sa Chief Minister ang kanyang ligtas na kalagayan.

Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang buong detalye ng insidente, kabilang ang eksaktong pangyayari, motibo at mga nasa likod ng umano’y pag-atake.