Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang imbestigasyon sa pag-ambush sa convoy ni BARMM Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

‎Ayon kay Special Assistant to the President Anton Lagdameo Jr., nanawagan ang Malacañang ng kalmado at pagpipigil sa hanay ng mga komunidad sa Bangsamoro habang tinutukoy ng mga awtoridad ang mga responsable at motibo sa likod ng pag-atake.

‎Binigyang-diin ni Lagdameo na hindi dapat pahintulutang makaapekto ang insidente sa kapayapaan, katatagan, at patuloy na proseso ng demokratikong pamamahala sa Bangsamoro.

‎Nangyari ang insidente dakong alas-4:45 ng hapon nitong Sabado sa national highway sa Barangay Bitu, Datu Odin Sinsuat, kung saan pinagbabaril ng mga armadong lalaki ang convoy ni Macacua.

‎Tatlong sasakyan umano sa convoy, kabilang ang bulletproof vehicle na sinasakyan ng Chief Minister, ang tinamaan ng bala.

‎Gayunman, ligtas at hindi nasugatan si Macacua, kasama ang kanyang mga kasamahan at security personnel.

‎Samantala, patuloy ang pagtutulungan ng mga intelligence unit ng Philippine Army at Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station sa pagtukoy sa mga suspek at posibleng motibo sa pag-atake.

‎Inatasan din umano ng Pangulo ang mga kaukulang ahensya na magsagawa ng masusing imbestigasyon at tiyaking mapapanagot sa batas ang mga responsable.

‎Nanawagan naman si Lagdameo sa mga lider at residente ng Bangsamoro na iwasan ang pagpapakalat ng haka-haka at maagang pagbubuo ng konklusyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

‎Samantala, inatasan din ng Commission on Elections ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na tukuyin ang mga nasa likod ng pag-atake at dalhin ang mga ito sa hustisya.

‎Mahalaga ang pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa Bangsamoro habang naghahanda ang rehiyon para sa unang regular na Parliamentary Elections.

‎Binigyang-diin ni Lagdameo na hindi dapat gamitin ang karahasan sa anumang alitan, lalo na sa panahon ng paglipat ng Bangsamoro tungo sa demokratiko at mapayapang pamamahala.

‎Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang pambansang pamahalaan sa Bangsamoro government at iba pang security agencies upang mapanatili ang kaayusan at matiyak na hindi makakapagpagulo sa peace process ang naturang insidente.

‎Samantala, patuloy pa ring inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga bumaril at ang motibo sa likod ng pag-atake.