Inilaan umano ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua ang malaking bahagi ng kanyang buhay sa Moro Islamic Liberation Front o MILF para sa hangaring makamit ang pangmatagalang kapayapaan sa Bangsamoro, ayon kay Maguindanao del Norte Representative Esmael “Toto” Mangudadatu.

Aniya, “Buong buhay ni Macacua inilaan niya sa MILF para sa kapayapaan.”

Matagal na nagsilbi si Macacua sa MILF at naging chief of staff ng Bangsamoro Islamic Armed Forces o BIAF bago siya naging bahagi ng pamahalaang Bangsamoro.

Mula sa pagiging senior official ng Bangsamoro government, naging executive secretary at environment minister din siya bago nagsilbing governor ng Maguindanao del Norte at itinalagang interim chief minister ng BARMM noong Marso 2025.

Gayunman, habang papalapit ang unang parliamentary elections ng Bangsamoro, lumalim ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ni Macacua at ilang opisyal sa pamunuan ng MILF.

Naging kontrobersyal din ang pagtanggal kay Mohagher Iqbal bilang education minister kasunod ng mga finding ng Commission on Audit kaugnay sa paggamit ng mahigit P2.2 bilyong pondo ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education.

Noong Setyembre 3, tinanggal naman ng MILF Central Committee si Macacua bilang chief of staff ng BIAF, kasama ang mahigit 40 iba pang commanders at officers.

Nangyari ito ilang araw bago ang Setyembre 14 parliamentary elections, kung saan tumatakbo si Macacua para sa isang puwesto sa Bangsamoro Parliament.

Para kay Mangudadatu, hindi dapat mabura ng kasalukuyang political conflict ang naging ambag ni Macacua sa mahabang proseso ng paghahanap ng kapayapaan sa Bangsamoro.

Mahalaga aniyang tingnan ang kabuuang kasaysayan ni Macacua—mula sa mga taon ng pakikibaka at sakripisyo hanggang sa paglipat nito mula sa armadong pakikibaka patungo sa pulitika at pamamahala.

Nanatili naman ang paninindigan ni Macacua sa mapayapang proseso.

Matapos ang ambush sa kanyang convoy noong Agosto 15, sinabi ni Macacua na hindi siya matitinag sa pagtupad sa kanyang tungkulin at dapat ang tinig ng Bangsamoro, at hindi ang puwersa ng armas, ang magtakda sa kinabukasan ng rehiyon.

Haharap si Macacua sa mga botante sa unang parliamentary elections ng BARMM, na itinuturing na mahalagang hakbang sa paglipat ng rehiyon mula sa transitional government tungo sa halal na Parliament.

Ayon kay Mangudadatu, bahagi ng kontekstong dapat malaman ng publiko ang mahabang kasaysayan ni Macacua sa MILF at peace process bago magpasya ang mga botante kung sino ang kanilang pagkakatiwalaang kumatawan sa kanila sa Bangsamoro Parliament.

Sa huli, mananatili sa mga botante ang desisyon sa Setyembre 14 kung sinu-sino ang kanilang pipiliing lider para sa susunod na yugto ng pamamahala at kapayapaan sa Bangsamoro.