Nagsagawa ng orientation ang Cotabato City Police Office o CCPO para sa mga augmented police personnel na itatalaga sa Cotabato City kaugnay ng nalalapit na unang Bangsamoro Parliamentary Election sa Setyembre 14.

Isinagawa ang aktibidad ngayong araw ng Huwebes, Setyembre 10, sa DPWH Gymnasium sa Cotabato City, na pinangunahan ni PLTCOL Yancee Butch S. Gulocan, Deputy City Director for Operations, sa ilalim ng pangangasiwa ni PCOL Jibin M. Bongcayao, City Director ng CCPO.

Dumalo rito ang mga karagdagang tauhan mula sa Police Regional Office 9, PRO 11, PRO 12 at Regional Mobile Force Battalion 14-A.

Tinalakay ni PLT Rochelle D. Evangelista, Assistant Chief ng City Community Affairs and Development Unit, ang political, security at crime situation sa lungsod, kabilang ang mga lugar na may security concerns at ang mga gagawing aktibidad ng mga tauhan.

Samantala, ipinaliwanag ni PCPT Jonathan L. Marciano ang mga usaping logistical, kabilang ang tutuluyan, suplay ng tubig at pagkain para sa mga augmented personnel.

Nagbigay rin ng mga panuntunan si PLTCOL Gulocan hinggil sa tamang pagtatayo at pagsasagawa ng checkpoints bilang bahagi ng security preparations para sa halalan.

Binigyang-diin sa orientation ang kahandaan, koordinasyon, pagbabantay, disiplina at pagsunod sa election-related protocols upang matiyak ang ligtas, mapayapa at maayos na pagsasagawa ng BARMM Parliamentary Election 2026.