Nakumpiska ang tinatayang tatlong kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P20.4 milyon sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Pababag, Bongao, Tawi-Tawi noong Setyembre 28, 2026.
Naaresto sa operasyon ang isang suspek na kinilala sa alyas na Bradel matapos ang magkasanib na operasyon ng PDEA BARMM-Tawi-Tawi Provincial Office, 4th Marine Rifle Battalion, PDEU-Tawi-Tawi, RIU-Tawi-Tawi at Bongao Municipal Police Station.

Ayon sa mga awtoridad, nagpaputok umano ang mga suspek nang mapansin nilang mga law enforcer ang kanilang ka-transaksyon, na nauwi sa maikling palitan ng putok.
Nakatakas naman ang iba pang suspek sa pagtugis ng mga awtoridad.
Makalipas ang ilang oras, naaresto si Bradel ng Bongao Municipal Police Station matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen kaugnay ng isang shooting incident sa lugar.
Kinilala rin siya ng poseur-buyer bilang taong umano’y nag-abot ng ilegal na droga sa isinagawang transaksyon.
Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang iba pang suspek na nananatiling nakatakas.
Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition laban sa mga suspek.


















