Nagpahayag ng pagdadalamhati ang Philippine Coast Guard (PCG) sa pagkasawi ng dalawang tauhan nito na sina SN1 Reniel Agpalo at SN2 Louther Jhon Vitor, na kapwa nakatalaga sa Coast Guard Station Maguindanao, matapos ang pamamaril sa Cotabato City noong Oktubre 22, 2026.
Sa inilabas na pahayag, nagpaabot ang PCG ng pakikiramay sa mga naulilang pamilya, kaanak at kasamahan ng dalawang Coast Guard personnel, at tiniyak ang pagbibigay ng kinakailangang tulong at suporta sa mga ito.
Binigyang-pugay rin ng ahensya ang paglilingkod at dedikasyon ng dalawang tauhan sa kanilang tungkulin at sa sambayanang Pilipino.
Ayon sa PCG, mananatili silang bahagi ng pamilya ng Coast Guard at aalalahanin dahil sa kanilang naging serbisyo sa bansa.
Kasabay ng pagdadalamhati, nagpahayag din ang ahensya ng paninindigang ituloy ang paghahanap ng hustisya para sa dalawang nasawing tauhan.
Matatandaang naganap ang pamamaril noong Oktubre 22 sa Cotabato City, kung saan nasawi si Agpalo habang nasugatan naman si Vitor, batay sa paunang ulat ng insidente.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang mga responsable at malinawan ang motibo sa likod ng pamamaril.

















