Itinanggi ni dating Bangsamoro Parliament Member Sultan Edrieza Nasser Rimbang ang alegasyong may kaugnayan siya sa tangkang pagpupuslit sa bansa ng tinatayang P3.5-bilyong halaga ng iligal na droga na nagmula sa Laos.
Personal na nagtungo si Rimbang sa National Bureau of Investigation (NBI), kasama ang kaniyang mga abogado, upang magbigay ng pahayag bilang tugon sa subpoena na natanggap niya kaugnay ng naturang usapin.
Sa kaniyang pahayag, emosyonal na inilahad ni Rimbang ang naging epekto sa kaniya at sa kaniyang pamilya ng pagkakadawit sa naturang alegasyon, kabilang ang kahihiyan, takot at trauma.
Ibinahagi rin ng kaniyang kampo na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa posibilidad na maaresto ang dating mambabatas kaugnay ng isyu.
Matatandaang iniugnay ang pangalan ni Rimbang sa umano’y planong pagdadala at pagbabagsak sa bansa ng mga kontrabandong droga na nagmula sa Laos.

















