Nasabat ng mga operatiba ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) ang 8,500 reams ng hinihinalang ipinuslit na sigarilyo at inaresto ang limang indibidwal sa isinagawang maritime operation sa karagatan ng Tahaw, Languyan, Tawi-Tawi, dakong alas-1:15 ng madaling araw kahapon, Nobyembre 19, 2026.

Kinilala ang nasabat na sasakyang pandagat bilang motorized banca na FB “PRINCESS RAI,” na kinalululanan ng limang indibidwal nang harangin ng pinagsanib na puwersa ng Maritime Group at iba pang yunit ng pulisya.

Tinatayang nagkakahalaga ng P5.1 milyon ang mga nasamsam na King Perfect cigarettes, habang nasa P2.5 milyon naman ang halaga ng bangka at P300,000 ang dalawang Mitsubishi marine engine, kaya umabot sa tinatayang P7.9 milyon ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang kontrabando at kagamitan.

May kaugnayan ang pagkakaaresto sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.

Dinala sa himpilan ng 1st Special Operations Unit ng Maritime Group ang mga nasamsam na sigarilyo at kagamitan para sa dokumentasyon at paghahanda sa turnover sa Bureau of Customs sa Bongao, Tawi-Tawi, para sa kaukulang disposisyon.